Showing posts with label Ride Guardians. Show all posts
Showing posts with label Ride Guardians. Show all posts

Tuesday, December 29, 2015

Ang dalawang mukha ng Adbokasiya

Ang dalawang mukha ng Adbokasiya
Gene B. Ulag



Tandang tanda ko pa noon, nung unang sumali ako sa pakikibaka, iilan lang kami, hindi yata umabot ng libo, solo rider ako noon, ito yung tinatawag nilang “Freeways ban” noon, kung saan, inilalaban ang karapatan ng sub400 na makapasok sa Express way. Ilang beses kaming pumasok sa expressway, nag solo pa nga ako at hindi naman din natikitan, may pangyayari ding kinasahan kami ng shotgun, Memories. Hehehe!

Sumunod ay yung plate number on helmet ni Bayani Fernando, isa ding matinding laban na ikinawagi naman ng mga lumaban, halos mapuno ang EDSA simula Magallanes hanggang sa opisina ng MMDA. Nag bigay din ng matinding traffic kayat marami ding nainis na cager at commuter sa mga riders nung oras na yun.

Sumunod ay yung Anti Modification law, matagal na paghahanda, meeting kaliwat kanan, meet up  sa tambayan, pakikipag usap sa mga ahensya na involved. Madugong proseso sabi nga nila. Nung araw ng motorcade / info rally, Linggo yun, ngunit napakaraming LTO officers ang nagkalat sa kalsada upang bantayan ang pagpunta naming sa Plaza Miranda. Dito, marami ding sumama, galling sa ibat ibang parte ng kaMaynilaan at karatig probinsya.

At marami pang sumunod, nanjan ang pagtulong sa mga nangangailangan, pagdadala ng laruan sa mga bata sa ampunan at napakarami pang iba.
Pero ano nga ba ang naidulot nito sa iba? Nagkaron ng kani-kanilang opinion, kani-kanilang paniniwala at katwiran. Hanggang sa ang iba ay nagkawatak watak na at nagkaron ng kanya kanyang paksyon.
Sagutan, sumbatan, patalinuhan, payabangan at kung ano ano pa. At sa isang banda, ako ay naging parte ng “Word War” na tinatawag nila.

Dahil din sa mga paniniwalang ito, kanya kanyang brain-washan ng kanya kanyang lider ng grupo, napakaraming magkakaibigan ang naging mag-kakaaway.

Sa aking karanasan lang eh, may mga kaibigan akong tinabla ako dahil lang sa tinira ko ang lider nila. Ngunit wala naman kaming pinag awayan, bigla na lang akong ,hindi na daw kaibigan. Hahaha. 

Oo, nakakatawa.

So, umalis ako, tinigil ko ang kung ano mang bugso sa damdamin ko para sumama pa o sumapi sa kung ano man, naging taga matyag na lamang ako habang sila ay nagpapalitan ng insulto, mura at banta sa bawat isa. Umalis ako hindi dahil sa hindi ko kayang gawin o gampanan ang kung ano man tungkulin ang naiatas sa akin. Umalis at tumigil ako dahil sa nakakasuklam na kalakaran at pangyayari na nagaganap sa bawat paksyon.

Sabi nga nung kaibigan ko “I ride alone, less bullshit”. Well, totoo naman talaga. Siguro lang talaga na kinagat ako ng kung ano mang insekto at ako ay nahilig sa mga ganyang bagay. 

Sabi nila, tumatanda tayo at kaakibat nito ay ang pagiging responsible mong tao dahil na din siguro sa mga maling nagawa mo along the way. Siguro, ako ay tumatanda na nga.

Pero marami pa din akong nakikita na tumanda nat lahat ay parang wala pa ding pinagkatandaan. Nagpapasakop sa maling kapangyarihan sa kabilang sila ay may sariling isip din naman. Naging sundalo ng kani kanilang grupo para ipagtangol ang “Intergridad” na inilalaban nila.

Samantalang ang mga taong involved ay walang bayag aminin sa karamihan kung sino ang nagkamali at kung ano ang nangyari.

Kaya ang tanong ng bawat grupo ay “Yan ba ang gusto nyong maging Lider?”.

Sa dami ng nagsulputang NGO na lumalaban sa karapatan ng Rider, maraming luma, marami din naman bago, kanya kanyang adbokasiya at kanya kanyang paniniwala. Kanya kanyang hatak ng mga sasali at kanya kanyang gimik, na ang kinahantungan sa huli ay kanya kanyang “bashing” dahil sa hindi naniniwala ang kani kanilang grupo sa opinion at paniniwala ng kani kanilang grupo.

Magulo diba? Iilan pa lang yan, wala ka pang nakitang matinde. Wala pa dyan yung mga Death Threats sa mga lider ng ibang ibang grupo.

Pero, hindi bat noon ay camaraderie at brotherhood ang isa sa layunin ng mga grupong ito? Sunod na lamang dapat ang adbokasiya? Pero, sabi ko nga, nang dahil sa kani kanilang opinion, ay maraming mga magkakaibigan ang naging magkaka-away ng dahil dito.

Nang dahil sa opinion na parehas nilang iniisip na ang kanilang grupo ay ang mas may tamang adbokasiya  para sa karamihan ng rider.

Alam nating may punto parehas, alam nating gusto lang nilang maging maayos at hindi maabuso ang mga maliliit na rider na katulad natin. Nandun na tayo, parehas may punto.

Kung parehas may punto, ay bakit hindi mapag usapan ng maayos at hindi mapagkasundo ang mga grupong ito? Sa Pula o sa Puti, laging parang sabong, habang ang mga lider nila ay natutulog, ang mga alagad naman ang nag aaway at nagbabatuhan ng akusasyon sa bawat isa.

Komento sa bawat komento, insulto sa bawat insulto, talino laban sa talino at opinion laban sa opinion. Habang ang mga walang alam ay panay ang pakikisawsaw sa diskusyon na lalong nagpapa lakas ng apoy sa alitan, at ang mga totoong may alam ay walang kibo at mas pinili yatang itago na lang ang kanilang nalalaman.

Ito na ba ang pinangarap nating “maging” matapos ang ilang taon? Ito na ba ang pag asang mag-aayos sa malabong batas at pang aabuso sa mga maliliit na mananakay? Samantalang ang sariling mga gusot ng mga grupong kinabibilangan nila ay hindi nila maayos?

Nasan na ulit tayo? Ayun, ipaglaban ang karapatan ng mananakay ng motorsiklo. Napaka gandang pakingan hindi ba? 

Napakagandang pakingan, pero kung huhukayin mo, ano ba ang makikita natin?
Hindi ko alam kung kasikatan, pera at kung ano pa ang gusto nilang makamit, dahil panigurado namang sasabihin nila na hindi nila kailangan ang “Fame” o “pera” kung may involvement na pera. Paniguradong sasabihin nila ay “hangad lamang namin ay ang tama para sa rider” o kung ano man ang katumbas nyan.

Mahirap na ding alamin kung sino ang nagsasabi ng totoo, well, hindi naman tayo manghuhula, kaya ang nangyayari ay pagalingan na lang ng “Dila” at kung sino ang mas mahusay mag kwento.
Sabi nga sa pelikulang Heneral Luna ni Jerrold Tarog “May mas malaki tayong kalaban bukod sa mga Amerikano, ito ay ang ating sarili”. (excerpt from Heneral Luna)

May katotohanan din naman hindi ba? Mahirap kalaban ang sarili dahil kapag kinain ka na ng “Pride” at ambisyon mo, ay mahihirapan ka nang palapatin sa lupa ang mga paa mo.

Masakit isipin pero totoo, napaka daling sabihin ang salitang “pagkakaisa” pero ang katotohanan ay mas Malabo pa ito sa tubig na may putik galing sa alikabok ng pansariling interes.

Isa tayong komunidad ng nag mo-motor, isa tayong “Bayan” ng nag mo-motor. Ito ba ang gusto nating ipakita sa mga bago pa lang sasama sa adbokasiya?

Ngayon sagutin natin ito (excerpt from Heneral Luna again) “Mamili ka, Bayan o Sarili?”.
Nasabi ko na noon na ang kaawa awa dito ay hindi sila na may malalaking pangalan sa komunidad, kung hindi ang mga maliliit na mananakay, silang mga nagkaka interes na sumama sa adbokasiya, silang walang ka-alam alam sa mga tunay na nangyari, na ngayon ay nagagatungan pa ng mga walang alam.

San na ba hahantong ito? Sa tingin nyo ba ay nakabubuti ito? Malayo na nga noon ang sinasabi nilang “Pagkakaisa” na mas pinalabo pa ngayon.

Parang showbiz sa dami ng tsismis, bakit hindi sila mag artista? Hane?!

Well, sabi nga nila, “Time heals all wounds” and I hope that time comes sooner.




Saturday, November 7, 2015

Standard get up para sa RIDERS

Standard get up para sa RIDERS
By Gene B. Ulag




Well, Matagal na din akong nag mo-motor, ilang taon na din nung sumama ako sa grupo at naging aktibo bilang rider.

Noon, simple lang ang get up, kung ano ang standard, padded jacket, shin guard, high cut leather boots, gwantes at helmet, kung wala namang padded jacket, nauso din yung Fox na body armor, elbow guard kung wala kang padded jacket, tsaka yung isa ding naging mainstream na suot ng mga riders noon, yung Back Protection.

Nakakatuwa yung get up ng mga riders, lalo na’t pag tambay nights, ewan ko ha, pero sabi nila, hindi naman daw nagpapagandahan ng get up ang bawat isa pero pagdating sa tambayan, naka Dainese na jacket at gwantes, AGV o Arai na helmet, naka racing boots pa yung iba.

Yung iba naman, parang breezy boys lang, naka t-shirt, gwantes na itim at siempre, naka back pro.
Oo, aminado kami, lalo na ako, na yung grupo namin,  bihira ang get up-an na ganito, siguro una, malapit kami sa tambayan namin, na alam kong hindi naman valid na dahilan kung paghahanda sa disgrasya ang pag uusapan, pero kung kami ay may ride, ganyan din kami mag pormahan, dress for the crash nga daw di ba at hindi dress for the ride.

So yun na nga, mabalik tayo, ganun lang ka simple ang  up-an noon, nagsimula akong gumamit ng reflectorized vest nung madalas na ang pag byahe ko ng gabi. Pero iilan lang din ang may vest na may logo ng grupo nila. Kami nga eh ni isang beses ay hindi nakapag pagawa ng vest na may logo, puro plain white or yellow reflector vest lang ang ginagamit namin.

Pero ngayon, iba na ang get up, kung noon ay standard yang mga nabangit ko, ngayon ay “dapat” ganyan na ang suot mo, hindi na ito basta standard na lang kung hindi ito ay “uniporme” na din.
Dagdag pa ang nakakasilaw na LED lights at may blinkers pang kasama. Ibat ibang design ng vest na may naglalakihang “logo” ng MC Club nila. 

May Two way radio din na naka display sa dibdib nila na kadalasay parang mga bubuyug na bulong ng bulong kahit walang ride. Masyado sigurong malakas ang signal ng radio nila.

Actually, nakakatuwang tingnan na sa pagdaan ng panahon ay nag evolve at madami ding na inform na riders tungkol sa mga get up na ito, yung ibang solo riders ay natuto na ding mag suot ng vest at crash gears.

Ngunit, datapwat, subalit, sapat na ba ito? I mean is, sapat na ba ito para mabansagang Disiplinadong mananakay na tayo?

Dahil nitong mga nakaraang araw ay parang ito na ang nagiging basehan ng pagiging Disiplinado sa mata ng kapwa mananakay.
Ngunit, marami pa ding mananakay na barubal, bastos, pasaway at walang respeto sa kapwa motorista at commuters.

Oo, nandun na tayo, sa isang daan ay iilan ilan lang naman yang mga hindiputang yan. Pero, sana ay bago nila suotin ang CLUB Vest nila ay alam din nila ang kaakibat na responsibilidad nila sa kalsada, dahil yang maliliit na kagaguhan nilang ginagawa ay malaki ang impact sa MC Club nila at sa mga rider in general.

Buti kanyo kung sila lamang ang madidisgrasya, eh mandadamay pa ang mga lintek. Tapos, para silang ads sign sa laki ng mga logo sa vest nila.

Sa panahon ngayon, ay usong uso yung mga tipong “pasikatin natin to” bullshit ng mga sensitibong netizens na akal mo naman ay walang nagawang kasalanan sa mundo.

Paano kung ma bidyuhan kayo ng actual, eh di wala na, yurak agad ang pagkakakilanlan ng grupo nyo. O kahit na kamo ma pictyuran lang kayo.

May magandang epekto at siempre may masama ding epekto yan. Eh san pa ba tayo lulugar, sa masama ba o sa maganda?

Kaya sana naman, wag mag sipag astang daig pa ang PULIS kung magpatigil ng traffic at harangan ang kalsada.

Matutong rumespeto sa kapwa motoristaat commuter at puede nating gawin yan sa hindi pag harang sa pedestrian lane, hindi porket humarang yun iba eh sasama ka na din at sisisihin sila na kasi sila ay humarang din, INTEGRIDAD , yan ang dapat tsong.

Wag basta, cut ng cut at maging defensive hindi lang para sa sarili, para sa ibang kasabay na din sa kalsada.

At sana, laging tandaan na hindi ang get up ang basehan para maging disiplinadong rider ka.


Hindi kailan man at hindi magiging basehan. Nasa tao yan. Nasa tao at wala sa get up o motor. 

Friday, September 11, 2015

Anong klaseng Rider ka?




(Picture taken from Shogun Elite Club's Bolinao Ride in Jan 2010)

Anong klaseng Rider ka?

Natanong nyo na ba sa mga sarili nyo kung anong klaseng Rider ka?

Iba iba kasi ang klase ng rider, hindi lang sa mayaman o mahirap ha. As in maraming klaseng rider.
Madami akong nakakasabay na rider, kuntodo naka reflectorized vest, nakalagay ang logo ng grupo nila, suot ang armor jacket at shin guard. Kuntodo din ang ilaw sa harap at likod, sa sitwasyon ngayon, mga naka todong LED pa sila, may animan na, may labing-dalawahan pa.

Naka blinker ang isang set at ang isa namay panilaw lang, este, pang ILAW lang.
Meron namang, laging naka hazard lights na akala mo may emergency, na minsan may tinanong ako kung kailangan ba nya ng tulong at naka bukas ang kanyang hazard lights, ang sagot saken eh, para porma daw. Toinks!

Meron namang naka jacket lang, full face helmet at gwantes. 

Merong mahilig sa scooter, merong sa unberbones.

Merong mahilig sa Dirt bikes, merong sa big bikes.

Merong laging trip ay motor na bago, meron din namang mas luma ang gusto.

Ibat ibang klaseng panlasa, siempre, depende sa budget ng bulsa.

Merong mahilig sa pakikibaka, meron namang natulong sa masa.

May mga ayaw mag helmet, merong may gusto.

May mga matitino, siempre, meron ding mga abusado.

Merong mahilig sa maingay na tambutso, may gustong tahimik lang.

May mga taong naglalaan ng oras, pawis at dugo para ipaglaban ang karapatan ng mga rider.
Meron din namang mga rider na pilit ibinabagsak ang layunin ng iba, para sa layunin nila.
Ibat ibang klaseng mananakay, sa ibat ibang antas ng buhay at ibat ibang paniniwala.

Ang pag mo-motor ay parang showbiz, at kadalasan pa nga ay mas masahol pa sa showbiz. Madalas sabihin ng matatanda na ang pag mo-motor ay laging naka lagay na ang isang paa mo sa hukay.
Delikado naman talaga, lalo pat lugeng luge tayo kapag tayo ay binanga ng sasakyan, dahil hindi natin maiiwasan na may mga tolonges na naka kotse na galit sa naka motor. 

Well, given na yan.

Pero maiiwasan ba nating hindi sila magalit sa Rider, kung karamihan sa atin ay hindi alam ang batas, kung paano gamitin ang kalsada o basahin ang road signs o irespeto man lang ang Pedestrian Lane.
Sa lahat naman ng antas ng transportasyon ay may pasaway, naiintindihan natin yan. Kaya nga ang titulo nito eh anong klaseng rider ka.

Ikaw ba yung sunod sa uso, kuntodo japorms na mala Shaider ang look, o yung simpleng rider na naka helmet, jacket at gwantes lang? Well, hindi naman basehan ang pag su-suot ng mala Shaider na outfit para masabi nilang maayos kang mananakay. Sa totoo lang, mas marami akong nakikitang rider na naka Shaider outfit pero nuknukan ng pasaway, May wang-wang, blinker at kung ano ano pa.
Madalas din sa group rides, kung makapa hinto sa traffic akala mo eh nabili ang kalsada. 

May mga big bikers naman na maliliit ang tingin sa mga sub400 riders, meron namang hindi. Mas marami pa naman yung nakilala kong hindi matapobre sa motor kahit na silay naka malaki.
Meron ding mga sub400 na inis sa big bikers, balikan lang, haters gonna hate nga sabi nila.
Pero ano ba ang ipinupunto ko dito, hindi ko alam kung na gets nyo na. Siret?!

Ang pinupunto ko dito ay iisa lang tayo. RIDER tayo na dapat magtulungan, na dapat walang ingitan, na dapat magka akbay sa ano mang dagok na ibabato sa atin. Hindi yung “sila lang yan noh! Hindi kami ganyan”.

Marami na akong nakilala sa komunidad na ito, naging adbokasiya ko ang pagtutol sa mga baluktot na batas na gustong mag gupo sa mga rider.

Sumama at tumulong sa mga nangangailangan, maraming plastic, OO, pero marami pa ding tunay.
Lagi lang naman nanjan maninira, pag wala sila boring ang buhay, TAMA?

Sa komunidad na ito, mas marami akong naging kaibigan kesa sa naging kaaway. Simula sa MCP forum, weekly tambay nights at motorcycle gatherings, at wag nating iwaksi ang mga nakilala ko sa illegal drag racing sa Macapagal. Yes, Minsan sa buhay rider ko ay naging mamumusta ako jan. Lahat nagbabago.

Kaya yang mga panira sa anong mang trip mo o ng grupo mo eh mananawa din. Meron lang talagang hindi nagsasawa. Matuwa ka, one in a million yan.

Ayokong tumawag ng pagkakaisa, parang amplastic naman di ba? Na sabihin ko na patawarin nyo ang isat isa. Pero bangas ito sa komunidad na pare pareho nating minahal.
Bangas ito dahil nagkawatak watak ang mga dating magkakaibigan dahil sa may iilang mahilig gumawa ng kwento laban sa iba. 

Hindi bat ang layunin natin sa umpisa ay “Brotherhood and Camaraderie”? Pero nasan na sya ngayon? Anong klaseng Rider ang binabantaan ang kapwa rider? Eh wala na tayong pinag iba sa mga Gangster Bikers, Tama?

Sa dami ng issue na nakapaloob sa Motorcycling Community, nabangit ko na, na parang showbiz di ba? Na dun sa channel ng kabila, sila ang bida, kaya paglipat ng channel nung isa, puro kasiraan ang napapanood nya.

So pag naniwala ka? Anong klaseng rider ka? Hindi mo man lang binigyan ng pagkakataong ipagtangol nung kabilang istasyon ang mga sarili nila, ni hindi mo pinakingan ang katwiran nila, hindi mo na nagawang balansehin dahil nabulag ka na nung isa.

Masakit sabihin pero ganito ang nakikita ko ngayon. Kesyo si ganitong grupo ang nauna, ginaya lang kami.

Mas mahusay ang Marshal naming kesa sa kanila. Mas marami kaming natutulungan kesa sa kanila. At ang kadalasang issue pa, Tama ka, PERA!

Dahil may talaga namang mainit sa salapi. Ewan ko ba, bakit ang daming nabubulag jan, ang daming rider ang nagagawang manlamang ng kapwa nila rider para sa SALAPI.

Wala din akong salapi noh, akoy regular na rider lamang na kumakain ng tatlong beses isang araw. Ok, Ok, walong beses sa isang araw, eh sa mahilig akong kumain eh. Pero hindi naman ito tungkol sa pagkain ko. Tungkol ito sa klase ng rider na nakikita ko, na panigurado akong nakikita mo din.
Ikaw, bro, tol, pre, paps o kung ano man ang tawag nila sayo.

Ano ba ang puede mong gawin para maging patas sa issue na naririnig mo?

Ano ba ang puede mong gawin para hindi lumala ito? Ano ba ang puede mong gawin para hindi na magningas ang apoy.

Ikaw, Anong klaseng RIDER ka?!