Friday, September 11, 2015

Anong klaseng Rider ka?




(Picture taken from Shogun Elite Club's Bolinao Ride in Jan 2010)

Anong klaseng Rider ka?

Natanong nyo na ba sa mga sarili nyo kung anong klaseng Rider ka?

Iba iba kasi ang klase ng rider, hindi lang sa mayaman o mahirap ha. As in maraming klaseng rider.
Madami akong nakakasabay na rider, kuntodo naka reflectorized vest, nakalagay ang logo ng grupo nila, suot ang armor jacket at shin guard. Kuntodo din ang ilaw sa harap at likod, sa sitwasyon ngayon, mga naka todong LED pa sila, may animan na, may labing-dalawahan pa.

Naka blinker ang isang set at ang isa namay panilaw lang, este, pang ILAW lang.
Meron namang, laging naka hazard lights na akala mo may emergency, na minsan may tinanong ako kung kailangan ba nya ng tulong at naka bukas ang kanyang hazard lights, ang sagot saken eh, para porma daw. Toinks!

Meron namang naka jacket lang, full face helmet at gwantes. 

Merong mahilig sa scooter, merong sa unberbones.

Merong mahilig sa Dirt bikes, merong sa big bikes.

Merong laging trip ay motor na bago, meron din namang mas luma ang gusto.

Ibat ibang klaseng panlasa, siempre, depende sa budget ng bulsa.

Merong mahilig sa pakikibaka, meron namang natulong sa masa.

May mga ayaw mag helmet, merong may gusto.

May mga matitino, siempre, meron ding mga abusado.

Merong mahilig sa maingay na tambutso, may gustong tahimik lang.

May mga taong naglalaan ng oras, pawis at dugo para ipaglaban ang karapatan ng mga rider.
Meron din namang mga rider na pilit ibinabagsak ang layunin ng iba, para sa layunin nila.
Ibat ibang klaseng mananakay, sa ibat ibang antas ng buhay at ibat ibang paniniwala.

Ang pag mo-motor ay parang showbiz, at kadalasan pa nga ay mas masahol pa sa showbiz. Madalas sabihin ng matatanda na ang pag mo-motor ay laging naka lagay na ang isang paa mo sa hukay.
Delikado naman talaga, lalo pat lugeng luge tayo kapag tayo ay binanga ng sasakyan, dahil hindi natin maiiwasan na may mga tolonges na naka kotse na galit sa naka motor. 

Well, given na yan.

Pero maiiwasan ba nating hindi sila magalit sa Rider, kung karamihan sa atin ay hindi alam ang batas, kung paano gamitin ang kalsada o basahin ang road signs o irespeto man lang ang Pedestrian Lane.
Sa lahat naman ng antas ng transportasyon ay may pasaway, naiintindihan natin yan. Kaya nga ang titulo nito eh anong klaseng rider ka.

Ikaw ba yung sunod sa uso, kuntodo japorms na mala Shaider ang look, o yung simpleng rider na naka helmet, jacket at gwantes lang? Well, hindi naman basehan ang pag su-suot ng mala Shaider na outfit para masabi nilang maayos kang mananakay. Sa totoo lang, mas marami akong nakikitang rider na naka Shaider outfit pero nuknukan ng pasaway, May wang-wang, blinker at kung ano ano pa.
Madalas din sa group rides, kung makapa hinto sa traffic akala mo eh nabili ang kalsada. 

May mga big bikers naman na maliliit ang tingin sa mga sub400 riders, meron namang hindi. Mas marami pa naman yung nakilala kong hindi matapobre sa motor kahit na silay naka malaki.
Meron ding mga sub400 na inis sa big bikers, balikan lang, haters gonna hate nga sabi nila.
Pero ano ba ang ipinupunto ko dito, hindi ko alam kung na gets nyo na. Siret?!

Ang pinupunto ko dito ay iisa lang tayo. RIDER tayo na dapat magtulungan, na dapat walang ingitan, na dapat magka akbay sa ano mang dagok na ibabato sa atin. Hindi yung “sila lang yan noh! Hindi kami ganyan”.

Marami na akong nakilala sa komunidad na ito, naging adbokasiya ko ang pagtutol sa mga baluktot na batas na gustong mag gupo sa mga rider.

Sumama at tumulong sa mga nangangailangan, maraming plastic, OO, pero marami pa ding tunay.
Lagi lang naman nanjan maninira, pag wala sila boring ang buhay, TAMA?

Sa komunidad na ito, mas marami akong naging kaibigan kesa sa naging kaaway. Simula sa MCP forum, weekly tambay nights at motorcycle gatherings, at wag nating iwaksi ang mga nakilala ko sa illegal drag racing sa Macapagal. Yes, Minsan sa buhay rider ko ay naging mamumusta ako jan. Lahat nagbabago.

Kaya yang mga panira sa anong mang trip mo o ng grupo mo eh mananawa din. Meron lang talagang hindi nagsasawa. Matuwa ka, one in a million yan.

Ayokong tumawag ng pagkakaisa, parang amplastic naman di ba? Na sabihin ko na patawarin nyo ang isat isa. Pero bangas ito sa komunidad na pare pareho nating minahal.
Bangas ito dahil nagkawatak watak ang mga dating magkakaibigan dahil sa may iilang mahilig gumawa ng kwento laban sa iba. 

Hindi bat ang layunin natin sa umpisa ay “Brotherhood and Camaraderie”? Pero nasan na sya ngayon? Anong klaseng Rider ang binabantaan ang kapwa rider? Eh wala na tayong pinag iba sa mga Gangster Bikers, Tama?

Sa dami ng issue na nakapaloob sa Motorcycling Community, nabangit ko na, na parang showbiz di ba? Na dun sa channel ng kabila, sila ang bida, kaya paglipat ng channel nung isa, puro kasiraan ang napapanood nya.

So pag naniwala ka? Anong klaseng rider ka? Hindi mo man lang binigyan ng pagkakataong ipagtangol nung kabilang istasyon ang mga sarili nila, ni hindi mo pinakingan ang katwiran nila, hindi mo na nagawang balansehin dahil nabulag ka na nung isa.

Masakit sabihin pero ganito ang nakikita ko ngayon. Kesyo si ganitong grupo ang nauna, ginaya lang kami.

Mas mahusay ang Marshal naming kesa sa kanila. Mas marami kaming natutulungan kesa sa kanila. At ang kadalasang issue pa, Tama ka, PERA!

Dahil may talaga namang mainit sa salapi. Ewan ko ba, bakit ang daming nabubulag jan, ang daming rider ang nagagawang manlamang ng kapwa nila rider para sa SALAPI.

Wala din akong salapi noh, akoy regular na rider lamang na kumakain ng tatlong beses isang araw. Ok, Ok, walong beses sa isang araw, eh sa mahilig akong kumain eh. Pero hindi naman ito tungkol sa pagkain ko. Tungkol ito sa klase ng rider na nakikita ko, na panigurado akong nakikita mo din.
Ikaw, bro, tol, pre, paps o kung ano man ang tawag nila sayo.

Ano ba ang puede mong gawin para maging patas sa issue na naririnig mo?

Ano ba ang puede mong gawin para hindi lumala ito? Ano ba ang puede mong gawin para hindi na magningas ang apoy.

Ikaw, Anong klaseng RIDER ka?!






No comments:

Post a Comment